Tuesday, August 12, 2008

AWIT


07.31.08


Nandito ako nakatago sa isang madilim na sulok ng aking pagkatao --- nag-iisa, nagmumuni-muni, lumuluha dahil sa labis na pagkabalisa at pag-aalala. Ako’y natatakot sa kanila, sa’yo at sa akin… Alam ko hindi ka magtatanong ngunit marahil ay nais mong mabatid kung bakit.

May naririnig akong isang magandang awitin. Sa paglipas ng mga araw, lalo itong nadarama ng aking puso. Unti-unti ako’y naakit at naaaliw. Minsan ninanais ko na ring umawit…

Datapwat sa kabila ng lahat, ako’y napaisip. Mas mainam sana kung nakikita ko muna yung kumakanta bago ako madala sa ganda ng kanyang awitin. Mas mabuti sana kung siya mismo ang magpapahiwatig ng tunay na kahulugan ng kanyang inaawit. Mas masaya sana kung habang kinakanta niya ang mga lirika, aking nakikita ang kanyang mga nangugusap na mga mata. Marahil ay doon ko na malalaman ang tunay na isinasaad ng kanyang damdamin. Sa puntong iyon ay mababatid ko kung talaga bang dapat ko pang ipagpatuloy ang aking pagkabighani sa ganun kagandang awitin o hindi na. Nakakalungkot isipin ngunit kailangan e.

Malinaw pa sa tubig na inumin ang aking pandinig. Lubhang napakaganda ng kanyang awitin… Sa malayo ito nagmumula ngunit ito’y parang napakalapit lamang. Bawat lirika ay tumatagos sa aking puso… Makahulugan, makabagbag-damdamin, ewan… Hindi ko ito lubos maipaliwanag… Ako’y nasisiyahan at nagagalak. Ngunit sa kabila ng lahat, ako rin ay napapausisa : “Totoo ba ang lahat ng ito o ito ba’y isang panaginip lamang?”

Sa ngayon hindi ko pa alam ang mga kasagutan. Basta ang sigurado ko ay may wastong panahon para sa lahat ng yun. Kung ano man ang mga yun, sana hindi na ulit ako masaktan. Sana hindi na ulit ako umasa sa wala. Sana kung sino man yung kumakanta, siya na rin yung nakatadhanang aawit kasama ko. Sana siya na… Pero kung hindi siya, sana siya na lang… <3

No comments: